Monday, January 13, 2014

Kappia ken Riribuk

1. Mga Lolo't Lola
       
Isang araw noong 1830, si Vicente Ferriols, na taga VALENCIA ,ay nagpapaalam sa kanyang angkan. Anak sya ni Miguel Ferriols, isang sundalo na namatay sa edad na 35 taong gulang en la accion de DOS  HERMANAS. Noong panahong yaon maraming guerra civil sa Espania nasangkot din si Vicente sa huling gera. Binigyan sya ng isang trumpeta at pinasakay sa isang kabayo at nagpatakbo sya tungo sa labanan, labing pitong taon lamang sya noon. Ang kanyang gawain ay hipan ang trumpeta upang magbigay loob sa mga lumalaban pero lumaban din sya. Tinamaan sya ng bala sa isang labanan sa Pamplona at taglay nya ito sa kanyang katawan, sa mahabang panahon. Taong buhay na may kapirasong bakal sa kanyang katawan.

Pero ngaun nagpapaalam sya sa kanyang angkan, naghahanap sya ng bagong bayan. Maninirahan sya sa Pilipinas. Pumunta sya sa Pilipinas. doon tinubuan sya ng pagibig sa isang babaeng mapagmahal- si Lucia del Fierro. Sila ay isa sa mga  kilalang pamilya sa Zambales. Marami syang anak pero iistoryahin ko lang ang dalawa. Ang unang  ikwekwento ko ay yung pinangalanan  nilang Vicente rin.  Pero tawag sa kanya ng mga kaibigan ay Don Totoy. Sya ay naging alamat.  UNA: Malakas na tao sya. Isang araw binuhat nya ang isang kabayo at inakyat nya hangang sa ikalawang palapag ng isang bahay. SUNOD: Noong naglalaro sya ng bowling may isang tao na tinuya sya at sinabi na hindi sya marunong magkastila. Nagalit sya hinagis ang bola sa dingding. Ang nakamamangha ay yung dingding ay yari sa sawali at yung bolang hinagis nya ay tumalab sa dalawang dingding. TAPOS: Noong panahon yaong hindi matibay ang mga daan sa Zambales. Ang mga naglalakbay ay usong sumakay sa mga barco de vela. Isang anak ni Don Totoy ay pasahero sa isang ganyang barko. May bagyo. Nalubog ang barko. Kung ilang linggo na paurong sulong si Don totoy sa dalampasigan ng Zambales at Pangasinan. kahit na mataas ang mga alon at basang basa sya. Hindi nya nahanap ang bangkay ng kanyang anak. At namatay sya sa pulmonya. Ang alamat ay matindi ang pag-ibig sa kanyang mga anak.

Ang isa pang anak ni Vicente na aking istoryahin ay si Jose Ferriols. Sya ang tatay ng tatay ko. Ang tawag namin sa kanya ay Lolo Don Pepe. Noong si Lolo Don Pepe ay limang taong gulang pinapunta sya ng kanyang tatay sa isang seminario ng mga paring Recoleto, sa Monte Agudo, Espanya pero hindi sya nagtagal doon sapagka't no era idoneo para una carera eclecsiastica. Bumalik sya sa Pilipinas.Maraming ikinuwento sa akin ang tatay ko ukol sa tatay nya, ang tatay ko ay bunsong anak ni Lolo Don Pepe,  Ang tawag namin sa tatay ko ay Papang.

Ang unang narinig kong kwento ay noong si Lolo Don Pepe ay nagtratrabaho sa isang pabrika sa Balayan Batangas, kasama nya si Papang na nooy bata pa. May narinig si Papang na mga taong nagsasalita na maingay. Pumunta sya sa pinto at nakita nya ang likod ng isang pulutong ng mga tao na may sinusundan. Tinanung nya anu yun? May Sumagot, "si Jose Rizal"

Pinaaral si Lolo Don Pepe ng kanyang ama sa iskuelahan ng mga hesuita sa Maynila, ang Ateneo Munisipal de Manila noong mga 1874. Mayroon daw na isang jesuit brother na magaling sa mathematica at ang mga bata na nahihirapan ay laging nakakatangap ng tulong sa kanya.

May isang kwento na nakakatindig balahibo. May mga studyante na mga interno. Isang gabi na nakatulog ang mga interno ay may isang pari na naglalakad sa dormitoryo. Mayroon syang nasalubong na nakasuot pari pero alam nya na ito ay isang maligno kaya sinabi nya bakit ka nakikihimasok dito ito'y mga bata ko. Sinagot ng maligno mayroon din akong, " mga bata dito." Ang susunod na kwento na maalala ko ukol kay Lolo Don Pepe ay noong nakauwi na sya sa Zambales bilang atenista binabasa nya ang mga libro ni Jose Rizal. Mayroon isang guardia sibil na alam na may mga pinagbabawal na babasahin si Lolo Don Pepe kaya naglaglag sya ng papel na nakasulat. " Mayroon akong utos na halughugin ang bahay mo ngaun gabi" Naalala ni Papang na itinago ng kanyang tatay ang libro na ngalan ay El Filibusterismo.

Isang hapon nakaupo si  Si Lolo Don Pepe sa harapan ng kanyang bahay ng may isang tao na tumatakbo at sumisigaw  Le fusilaron a Rizal.

          Namutla si Lolo Don Pepe at sinabi nya, " so mos perdidos"

Kung nanggagaling ka sa may maynila at nasa daang ka ng dalampasidan sa pagitan ng subic at castillejos, mayroon kang makikitang maliit na gubat sa kanan mo at sa kaliwa mo  may tuktok ng bundok na lumilitaw sa dagat.  Noong dumadaan kami doon tinuro ni papang yung maliit na gubat at sinabi nya noong bata ako nagsisibak kmi dyan ng  tatay ko ng kahoy na panggatong. Pero biglang lumabas ang isang tao sa maliit na gubat may dala siyang  itak nakita nya kami ng tatay ko at sumigaw cya," patayin ang mga kastila." mayroon syang mga kasama, mayroon kmi  bangka ng tatay ko at yung humahabol sa amin ay walang bangka, tinulak namin ang bangka at patakbo kaming sumakay tapos nagsagwan kmi tungo sa likod ng bundok hindi ako nakasagwan ng ganitong kabilis sa buong buhay ko.


Isang pang kwento ng tatay ko ukol sa tatay niya: Ang mag-ama ay nasa San Antonio Zambales. Kailangan ni Lolo Don Pepe na asikasuhin ang trabaho niya sa umaga sa San Marcelino. Bago sya umalis sa San Antonio, sinabi niya sa tatay ko, " magkikita tayo sa San Marcelino sa dapit hapon: dalhin mo ang mga kasangkapan natin." Dumating na si papang sa dapit-hapon sa San Marcelino, pero nalimutan niya ang mga kasangkapan sabi sa kanya ni Lolo don Pepe, " nalimutan mo ang pinadadala sayo. bumalik ka sa San Antonio ngayong ngayon din: kunin mo at dalhin mo dito ang mga kasangkapan ngayong-ngayon din. Habang silay nagsasalita, kumagat ang dilim at si papang ay kinakailangang tahakin ang landas ng San Marcelino San Antonio, ida y vuelta. Kaya't kailangan niyang dumaan ng dalawang beses sa madilim na sementeryo. Natatakot sya kayat sumusilpol na lamang sya ida y vuelta.

Duamting ang panahon  na pinagbili ng mga kastila ang pilipinas sa mga amerikano sa presyo ng dalawang milyon pilak na kwarta. Nagproklama ang gobyerno ng Espanya na lahat ng may dugong kastila ay dapat magparehistro sa gobyerno ng Espanya sa isang nakatakdang petsa. Ang hindi magrerehistro ay otomatik na magiging ciudadano filipino. Sinabi ni Lolo Don Pepe sa tatay ko, " hindi tayo magrrehistro sapagkat ang pilipinas ang ating  bayan. Esta es nuestra patria.

Si Lolo Don Pepe ay nagkasakit ng kanser sa lalamunan, sa panahon na hindi pa nila kayang gamutin ang ganong klaseng sakit. Namatay sya noong 1903 sa edad na limangput tatlo. Noong nararamdaman niyang malapit na siyang mamatay, pumunta siya sa bayan. Kumatok sya sa kumbento ng pari at sinabi niya, "padre malapit na akong mamatay. Gusto ko magkumpisal.". Nagkumpisal siya, at bumalik sya sa kanayng kubo sa bukid. Noong naghihingalo na siya, napapalgiran sya ng kanyang pamilya. Nakahiga sya sa isang papag na kawayan, na may barandilyang kawayan. At sa kanyang pagtitiis, napahawak siya sa barandilya at lumalangitngit ang kawayan. Nung hindi na sya makapagsalita, humingi sya ng lapis at papel at sinulat niya,  siento congojas. 

Ang Lola ko naman sa tatay ko ay si Anastasia Garcia. Hindi ko alam kung saan siya naisilang, pero naaalala ko na isang hapon na pinapasyal kami ng tatay ko sa probinsya ng Cavite dumaan kami sa isang bayan na ang pangalan ay Marigondun, at sinabe nya, "May panahon na nanirahan jan ang lola ninyo ." Mayroon din isang bayan na ang pangalan ay Ternate, ang mga tao doon ay galing daw sa Indonesia. At mayroon din atang kaugnayan yun sa aking lola. Ang tatay ko ang nag alaga sa kanyang nanay. Ipinakita nya sa akin ang isang maliit na papel na may sulat sabi niya , "Ito'y sulat sakin ng tatay ko." Nakita ko ang sulat ni Lolo Don Pepe hindi ko maalala ang lahat ng sinulat nya, pero alalang alala  ko ang huling linya  "CUIDATE DE TO MADRE." TODO LO QUE TIENES LO DEBES A ELLA.

Isang kwento: Maliit na bata pa si lola Anastasia nag luluto sya sa isang kalan na tumatapat sa bintana ang bintana naman ay tumatapat sa punong niyog. Ang puno niyog naman ay sinusukuban ng langit na kulimlim. Biglang nilantakan ng langit ng isang matinding kidlat ang punong niyog. Namatay ang punong niyog nahimatay si lola Anastasia. Ilang minuto sya nawalan ng malay pagkatapos bumalik sya sa kamalayan at natuwa silang lahat. At nagkaroon si Papang ng isang kwento na kanyang inuulit tuwing may ulan na kumikidlat at kumukulog.

Ang aking kaugnayan kay Lola Anastasia: Lumipat sila sa aming bahay sa Sampaloc noong August 13,1924. Kasama nila si Lola Anastasia.May paralysis ang kalahting katawan ni Lola. Pinanganak ako nooung August 16,1924 isang taon kasambahay kami ni Lola. Namatay sya noong 1925. Sa huling taon na sya'y nabuhay sa lupa natuwa siyang kung ako'y lalapit sa kanya kanyang hinihipo ang aking pisngi at sinasabi nyang "BUENO BUENO."
     May tatlong kwarto ang aming bahay: Kwartong malaki, kwartong gitna, kwartong maliit. Namatay si Lola sa kwartong malaki. May kasiyasiyang nangyari sa akin sa kwartong iyon.
May kinalaman ito sa aking takot sa dilim pinapakuha sakin ni Papang ang isang libro na  nasa aming na napakadilim na aklatan. Ako naman ay naninigas sa takot galit na galit si Papang  marahil naalala nyang  sumisipol siyang dumaan ng  dalawang beses sa sermeteryo noong banta pa sya. Ako nama'y duwag kaya't sabi ni  Papang, "Pumili ka! kukunin mo ang libro sa madilim na aklatan  o lalantakan kita ng sampung palo sa aking sinturon." Ako'y duwag na walang laban sabi ko:"Sampong palo." sabi nya, :"Dapa!" nilalantakan nya ako ng isa,dalawa,tatlo,apat at sa bawat bilang nararamdaman ko ang bagsik ng sumasagitsit na sinturon."Lima,anim,pito .....wala na akong naririnig na sagitsit at wala nang nararamdaman ang aking puwet basta't may toktoktok..... hinahampas ni Papang ang sahig hindi niya maituloy na paluin ako kasi minamahal nya ako wala siyang sinasabi pero kitang kita ko at damang dama ko....minamahal ako ni Papang! Wala siyang sinabe sa akin pero sinabe nya kay Mamang matapos ang toktoktok sa sahig gamotin mo ang puwet ng bata.

Nang tumuntung naku ng High School inayos ni Papang ang isang attic room. Dinala nya ako doon at sinabe nya, "Ito ay para sa iyong mga libro at maari kang mag basa dito." Tapos bumaba kami sa ibang kwarto sabi nya, "Dito ka matutulog." Ang kwartong tinuro niya ay ang kwartong malaki. Alam ko na hindi ko maaring tanggihan kailangan kung matulog sa dilim ng mag-isa na kinamatayan ng aking Lola. Noong unang gabi nanginginig ang aking katawan sa takot pero may aliw sa kaisipan na kahit papaano minamahal ako ng aking ama. Noong ikalawa at ikatlong gabi takot na takot pa ako. Pero noong ika-apat na gabi naalala ko ang isang kwento ng mga multo na hindi sila nag papakita sa higit ng tatlong gabi. At nung pumasok ako sa kwartong malaki ng ika-apat na gabi na iyon meron akong nadamang katahimikan. Nakadama ako ng biyayang hulog ng langit. May nanalangin sa diyos para sa aking abang kaluluwa pinag dadasal ako ni Lola Anastasia. Halos naririnig ko na sinasabi nya sakin yung nakita niya ako'ng hindi na natatakot, "BUENO BUENO."

          Ang ama ni mamang ay si Miguel Jamias na taga-Sarrat, Ilocos Norte at nag-aral sya sa maynila. Panahon pa ng mga kastila noong bata sya, at ang mga heswita ay may dalawang iskwelahan sa maynila: Ang Ate neo De Manila at ang Escuela Normal De Maestros. Ang layunin ng Escuela Normal ay kumikha ng magagaling na guro para sa mga liblib na bayan ng mga probinsya. Nagtapos si lolo Miguel ng curso “Mayor Para Maestros”, at nagkaroon sya ng pangalawang uwiang bayan sa Castillejos Zambales at ito ang nagging permanenteng bayan nya.

          Nakasal sya sa isang mabait na asawa na taga-Botolan, at nagngangalang Guillerma Moreno. At sya ang nagging maestro ng bayan. Kahit na matandang matanda na sya madalas syang dinadalaw ng taong bayan, palibasa tinuroan nya ang karamihan sa kanila.  Ang palaging tawag nila sa kanya ay “Maestro”. Magalang at mapagmahal ang kanilang pakikitungo nila sa kanya.

          Ang habang-buhay na pagtuturo ay isang biyayang dumating sa akin sa pamamagitan ng aking lolo. At sinabi ko sa kanya sa dediskasyon ng aking aklat na “Pangbungad sa Metapisika”:  Ti inyallatiwmo naimpusoan nga inawatko. Naingel.

          Ang unang pagtatagpo namin ni lolo Miguel ay noong inuuwi nila ako mula sa PGH. Kalungkalung ako ng nanay ko at nakasakay kami sa bangka palibasay may baha sa Sampaloc noon gaya ngaun. Si lolo Miguel ay naiwan sa Sampaloc upang alagaan ang dalawang ate ko. Kahit pinagbabawal ni lolo Miguel nagtatampisaw si Piti at pinalo sya ni lolo. At di daw masakit. Nanguha si lolo ng lapis at sinulat niya sa likod ng hagdan na nasa gitna ng bahay: 16 de Agosto, 1924 totoy de vio laluz del dia.

          At habang lumalaki ako palaging kong nakikita ang sulat ng lolo ko naibinubunyag sa daigdig ang aking existentia. Umuwi na si lolo sa Castillejos, pero tuwing may bumibisita sa kanya may pinadadala sya na isang hawla na may lamang pugo. at sasabihin ng nagdadala, "pasalubong ni lolo kay totoy." Nalulungkot ako na hindi ako marunong mag-alaga sa pugo at palaging namamatay ang pugo. Madalas din syang nagpapadala ng karnero at kambing, kinakatay namin kung minsan ay inaalagaan naming ang kambing sa maikling panahon at ginagatasan namin.

      Isang hapon ng kami'y nagbabakasyon sa Castillejos dumaan kami sa kagubatan tungo sa Danalawan na isang baryo ng San Marcelino. meron kaming nakitang mga ita na may pana. lumangoy kami sa ilog ng Danalawan at nakita namin ang isang kilalang bundok na nasa pagitan ng Castillejos at San Marcelino. Ang pangalan ng bundok ay bagang sapagkat ang kanyang hugis ay parang ngipin. Noong nakabalik na kami sa Castillejos sinalubong kami ni lolo sa hagdan ng kanyang bahay at tinanong sa akin, "nakita ba ninyo ang bagang." "opo, nakita po namin." ginamit niya ang kaniyang paa upang ituro ang kahoy ng mga baitang na kanyang kinatatayuan. sapagkat ang mga baitang ay yari sa mataas na kalidad ng kahoy na, sabi ni lolo, "pinili niya mula sa mga kagubatan ng bagang."

     Marunong pumili si lolo na mga kahoy na mabuti ang kalidad. kaya ang kanyang pamilya ay syang nagaalaga sa estatwa ni San Nikolas de tolentino na ginagamit sa bawat piyesta ng bayan. sya rin ang nagaalaga sa estatwa ni Hesus na ginagamit taun-taon sa pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo.

     Si lolo ay nagsisimba araw araw at kapag kami'y nagbabakasyon ang kapatid naming bunso na si nene ay inaakay si lolo na naglalakad papunta sa simbahan. maraming kinuwento si lolo sa kanya. matatanong niyo kay nene ang mga kwento ni lolo.

     Sa ibang bakasyon naman tinawag ako ni Lolo sa isang bodega na nasa silong ng kanyang bahay. Namataan ko ang isang bagay na nataakpan ng mga sako at sa ibabaw ng mga sako ay galvanized iron. Kanyang inalis ang mga takip at nakita ko ang isang kabaong. sabi niya sa akin "ako ay malapit nang mamatay at, kung walang kabaong, baka magulo sila kapag namatay ako sapagkat pag may namamatay parating nagugulo ang mga tao hindi ba?" "pero kapag mayroon nang kabaong hindi sila masiyadong magugulo. ang importanteng bahagi ng seremonyas ay nandito na."

    At anong masasabi ko ukol sa nanay ng aking mama. si lola. Guillerma Moreno ang ngalan niya. Tuwing naalala ko siya natutuwa ako sapagkat madalas kong napagmasdan na masiya siya kapag pinapanuod niya ang kanyang mga apong naglalaro. at kapag napagmasdan ko siyang masaya sumasaya din ako nagsalita sya ng sambal sa aming mga pinsan na taga Masinloc. Nakikiusap siya sa amin sa tagalog. Pero tinuturan niya kami ng mga kasabihang sambal. Tinuro niya kay Piti ang isang awit na pamasko na sambal na sinasabi:
Sa araw ng pasko
Masaya ang mga bato
Tumutubo ang mga maliliit at nagiging malalaking bato

         May isang bakasyon na noong nagpapaalam kami kay lola sapagkat babalik na kami sa maynila. nakita namin na mayroon siyang dalang mga sinaunang bagay. Binigyan niya ang mga kapatid kong babae ng mga escapulario. Makikita mo na nanggaling sila sa mga nakaraang saling lahi. binigay niya sa akin ang isang hugis oval na pilak na may salamin sa magkabilang panig at sa loob ng magkabilang salamin ay magkabilang santo na tumatanaw sa daigdig mula sa magkabilang panig. ito ay isang tunay na sinaunang sacramental. Sinabi sa akin ng aking mamang na nakikita niya ang kaniyang lolo sa tuhod na binibitin ang sacramental na ito sa kanyang leeg kapag siya'y nangangaso. Noong panahong iyon, ang mga tao sa zambales ay nangangaso, nanghuhuli sila ng usa. Noong binigay sa akin ni lola itong sacramental na ito, nakaramdam ako ng isang napaka tinding lungkot. naramdaman ko na ito ang huling beses na makikita ko siya; na hindi na kami magkikita muli. Totoo na hindi na nga kami nagkita muli, ngunit umaasa akong magkikita kami muli sa buhay na inaasahan nating lahat.

    Anong nangyari sa sacramental ni lola? Noong 1977 binigyan ako ng aking superior ng isang bagong destino sa apostolic center pero tinanggal niya ang aking permiso na gumamit ng bagong kotse na may sariling drayber. Ibig sabihin na hindi na maaring maging drayber ko si Ben. Kailangan kong magpaalam kay ben kaya binigay ko sa kanya ang sacramental bilang huling paalam. Inaasahan ko na kung papaanong inalagaan ng probidensiya ng diyos ang paglipat lipat ng sacramental na ito sa mga sunod sunod na saling lahi, ganun din ipagpapatuloy niya ang kanyang pagaalaga hanggang sa....... darating na panahon.


2. Papang at Mamang

Ipinanganak si Papang noong ika pito ng Hunyo 1887 sa Olonggapo. Bininyagan siya sa ngalang Jose Vicente Roberto, pero ginagamit niya lamang ang pangalang "Vicente Ferriols". Noong nagaaral ako ng teolohiya sa Meriland meron akong nakilalang kapwa heswitang taga Valencia. Ang pangalan niya ay Josep Vincentet. Sinabi niya sa akin na ang Josep Vicentet ay isang pangalang popular sa Valencia. At sa ganon nabakasan ko ang lolo ko sa tuhod sa pangalan ng tatay ko. Noong panahong iyon ang Olonggapo ay isang maliit na baryo ng Subic. May maikling panahon na nagtrabaho ang ama ng tatay ko sa balayan batangas. Pero lumaki ang tatay ko sa San anotnio at San marcelino, Zambales. Meron siyang mga interesanteng alaala. Meron siyang nakitang tatlong lalaki na naglalakad at pumapasok sa isang plaza. Tinutugtog nila ang kanilang mga gitara at kumakanta sila: (Morir Quisiera cuando veo al sol poniente). Naalala rin niya na may mga ronda sa gabi. Ito ay mga tanod sa oras ng dilim. At madalas maririnig niya na naghuhudyat sila sa isat isa "Alerta.......Alerta....." Kung minsan naman kung ang gabi ay tahimik at maganda ang buwan at ang mga bituin, ang hudyat nila ay : "Noche serena." Kayat kung minsan tinatawag nila ang mga tanod sa gabi na "sireno".

Naikwento ko na ang nakakatakot na pagtawid ng batang  Papang Ida Yvuelta sa sementeryo.Naikwento ko na rin ang kamatayan ni lolo Don Pepe. Noong nailibing na siya, matindi ang pagnanais ni Papang na bisitahin siya sa sementeryo. Narinig ni Papang na ang mga patay ay nagpapakita sa sementeryo kapag gabi na. At sa kanyang lungkot, nagpupunta siya sa sementeryo pagkagat ng dilim. Inaakyat niya ang pader ng sementeryo at lumulundag siya sa ibabaw ng puntod ng kanyang tatay. Hinahanap niya ang kanyang tatay pero walang nagpapakita sa kanya. Isang araw pumunta kami sa sementeryo ng San Antonio at itinuro ni Papang sa akin ang pader na kanyang nilulundag: isang bata na parang may butas sa kanyang dibdib sapagkat wala dun ang kanyang tatay.

Noong ang nanay ko ay nasa edad ng 102, ininterview siya ng isang bantog na reporter. Tinanong ng reporter kay Mamang kung papaano sila nagkakilala ng asawa niya. Sabi ni Mamang, magkaibigan ang aming mga pamilya. At iyan ang abot tanaw ng aking nakikita tuwing sinasabi ni Papang : "Noong bata kami nagkakabayo si Mamang at ako'y naglalakad lamang. Noong araw ani Papang maraming kabayo ang mga taga Zambales. Pero umonti ang mga kabayo noong nagkaroon ng peste na may pangalanang "sura".

Si Mamang ay isinilang noong ika-15 ng hunyo 1886 sa Castillejos Zambales. Ang bahay nila noon ay nasa likod ng plaza. Nasa plaza ka, papasok ka sa pintuan sa harapan ng bakuran lalabas ka sa pintuan ng likuran ng bakuran at kaagad nasa gitna ka na ng malawak na kabukiran. Ang pagtanaw ng mata mo ay parang tumatawid sa malawak na kabukiran hanggang makarating sa isang mataas na bundok.Ito ang bundok Silangin, ang bundok na itinuturing na taga tanod sa bayan ng Castillejos. Isang araw noong bata pa si Mamang inisip niyang tumakas sa kanilang tahanan. Lumabas siya sa pintuan sa likod at nagsimula siyang tumawid sa malawak na kabukiran. "Ang ganda pala ng bukid". Biglang may kuminang sa ilalim ng isang punong kahoy. Meron palang ahas doon. Patakbo siyang bumalik sa kanilang bahay. Kinukwento ito sa akin ng nanay ko tuwing nagrereklamo ako ukol sa mga kagagawan sa bahay namin.

Noong panahon ng rebolusyon may mga taong hindi rebolusyunaryo pero mga masasamang loob sila na sinasamantala  ang gulo ng panahon upang guluhin ang kanilang mga kapwa mamamayan. Ang mga taong ito ay tinatawag nilang mga tulisan. Isang araw nilooban ng isang pangkat ng tulisan ang bahay nila Mamang. Nanguha sila ng mga gamit at dinukot nila si lolo miguel. Bago nila makuha si lolo miguel, nakaiwan siya ng hudyat na magtago sila sa bundok kasama ng mga Ita. Noong bata kami tuwing nagbabakasyon kami sa Castillejos kapag madilim na ang gabi, tumitingala kami sa mga bundok at meron kaming nakikitang mga ilaw. Sasabihin sa amin ni Mamang, "yan ang mga siga ng mga Ita. Noong panahon ng gulo pumunta kami sa mga Ita at doon kami nagtago. Bata palang ako at ang alam ko ay kay sarap magtago sa kabundukan at lumukso lukso sa mga bato".

Ang kanilang pagtatago sa kabundukan ay natapos. Noong isang gabi narinig nila ang isang boses na sumisigaw, "Mema Mema". Si lolo Miguel ay nakatakas sa mga tulisan at nakarating siya sa kanilang kinaroroonan at tinatawag niya si lola Guilerma.

Noong nakabalik na sila sa Castillejos nagkaron ng labanan ang mga kastila at mga rebolusyunaryo sa pamatawan na isang baryo ng Castillejos. Ang mga Kastila umurong sa bundok Silangin at doon sila sumuko.   Kaya't ang tawag ni Mamang sa bundok na iyon ay bundok Silangin na sinukuan.

May isang litrato sa mga ari arian ni mamang, may isang maliit na batang babae. may isang babae na hindi naman bata at hindi rin matanda. ang suot nya ay isang saya na umaabot hanggang sa sakong at mayroon siyang kamisa na may pabukang manggas. tinuro ko ang batang maliit at tinanong ko kay mamang "sino yan?". sabi ni mamang "ako yan. noong nanalo ako ng isang premyo sa skwelahan. ang premyo ay isang pisong pilak at bilang pagdiriwang pumunta kami sa maynila at doon kinuha ang litratong iyan".

Ang paglalahad sa buhay bata ng aking mga magulang ay parang paghahanap ng pira pirasong data at pag sama sama sa kanila upang makagawa tayo ng isang larawan ng mga nangyari sa kanilang kabataan. Nung isang araw nung ako'y mejo matanda na, nasa isang gasolinahan ako sa Subic. ito ay gasolinahan na may kasamang drug store at may isang matanda doon na tinitignan ako na parang meron siyang gustong maintindihan. Para bagang ako'y isang palaisipan na gusto niyang malutas. tinignan ko siya at tinanong siya:"adda bibirukin aya apo?".at siya rin ay nagtanong sa akin: "asinno ni tatang mo?", "ni vincente ferriols, appo", "karupam isuna", "ammoyo ni tatang koaya?", "isu ti nangisuro kanyak tig agsao iti ingles". Nung naging malinaw na ang mga Amerikano ang may hawak sa ating bayan marami ang nagaral magsalita ng ingles. Ang tatay ko hindi lamang natutong magsalit ng ingles pero natuto siyang magturo ng ingles sa kanyang mga kababayan.tinaning ko sa tatay ko kung sino ang nagturo sa kanya ng ingles? Sabi niya na may mga sundalo na amerikano na nagtuturo sa kanila na magsalita ng ingles.

Nung 1908 ang tatay koay pumunta sa Amerika. May isang mayaman na taga zambales, si Teodoro R. Yangco. Inalok niya kanino man na taga Zambales na babayran niya ang kanyang pagaaral sa Amerika sa kundisyon na ang pagaaralan niya ay makatutulong sa pagiral ng agrikultura sa Pilipinas. At na babalik siya sa Pilipinas pagkatapos ng kaniyang pagaaral. Nasa Amerika siyang ng apat na taon 1908-1912. Nakakuha siya ng DVN (doctor of veterenary medecine). Sa Amerika nakakita siya ng snow, nagiskating siya sa yelo, sumakay siya sa isang tramvia na naaksidente at, sa kanilang mga klase ng anatomy, kanilang hinihiwa hiwa ang mga bangkay ng mga hayop na nakatago sa laboratoryo na nakabukas ang mga bintana, bukas ang mga bintana sapagkat wala pang refrigiration noon. at ang ginagawa nila sa taglamig sila nagaaral, at ang malamig na panahon ang nagsisilbing refrigiration ng mga specimen. pero ang mga estudyante ay sabik maglaro kapag napagaralan na nila ang mga specimen, naglalaro sila ng batuhan ng mga kapirasong karne at noong magtatapos na ang klase lumabas sa kanilang year book ang isang maikling ulat na isa raw siyang kapatid na kayumanggi na sabik na sabik maghagis ng mga kapirasong karne sa mga mapusok na labanan.

Noong panahon na iyon ang mga estudyante ay nagpapadala ng mga post card sa isa't isa. hawig sa mga estudyante ngayon na nagtetext sa isa't isa. May isang post card sa mga ari arian ni papang na nanggaling sa kanyang pinsan at sinasabi sa kanya na nakagradwar si Modesta Jamias sa kurso ng nursing sa PGH. Kaya doon ko nalaman na noong nasa Amerika si papang ay kanyang nililigawan na si Mamang. At nangunguha ng inpormasyon mula sa kanilang mga kamag anak ukol kay Mamang.

Bago pumunta si Mamang sa PGH upang magaral ng nursing nanirahan siya sa isang maikling panahon sa Beatiro de la Compania de jesus. ito ay isang kumbento ng mga madre na ang kanilang spiritual director ay mga pari ng kapisanan ni Hesus, ang mga heswita. gusto niya atang mag madre, at isang araw noong ako'y isang maliit na bata pa ikiniwento niya sa akin kung anong mga ginawa niya nung siya'y bata. sinabi niya na nanirahan siya sa mga madre. tinanong ko kung bakit hindi siya nagmadre. sinagot niya na dahil mabait naman si Papang. si Mamang ay isa sa limang naunang naging nurse sa Pilipinas. Pero ang mga nagaaral ng nursing sa PGH ay madalas napupunta sa kapila ng mga jeswita sa kalye padre faura. may isang  gusali na sa mahabang panahon ay importante para sa mga heswita. tinayo ang gusali noong panahon ng mga kastila at yun ang naging bahay ng eskwela normal para maestros, noong kuan naging seminaryo de francisco javier. tapos naging seminaryo de san jose. pero noong nasunog ang ateneo sa intramuros noong 1932 lumipat ang seminaryo de san jose sa mission house sa intramuros.at ang ateneong nasunog sa intramuros sa gusali na iniwan ng san jose. doon ako nag aral ng aking high school bago nagkagera. at iyon ang tanging ateneo na aking naranasan. pero noong ang aking nanay ay nagaaral, yung gusaling yon ay bahay ng mga seminaryo. at marami sa kanila ang may spiritual direktor na paring heswita na nagmimisa doon sa gusali sa padre faura. noong kwan nagkaroon ng cholera epidemic sa Pilipinas at ang mga nagaral ng nursing sa PGH ay nakisama sa mga nagalaga ng mga pasiyente. sabi ng nanay ko na hinahangaan niya ang mga paring heswita dahil tumatalino sila sa mga inuutos nila. sabi sa kanila na bawal pumasok sa kwarto ng may sakit kapag walang suot ng gown at mask na pagkatapos na ng mga pari ang kanilang trabaho ay dapat silang maghugas ng kamay. sabi ni mamang na nahirapan sila ng mga panahong iyon dahil madalas ay mayroon silang night duty sa panahon ng mga tao ay namamatay sa isang mapusok na sakit. si Mamang nagtrabaho pa sa PGH nung dumating si papang mula sa Amerika nung 1912 galing sa Amerika. si Papang ay naitalaga sa vigan mula nung 1912 hanggang 1917. noong bata akonapansin ko na kapag magsalita ng ilokano ang tatay ko ang kanyang pagbigkas ay kakaiba sa pagbigkas ng mga tao sa aming bahay. at nagtataka ako kung bakit ganoon. pero nung pumunta ako sa vigan natuklasan ko ang dahilan. nanirahan si papang sa vigan nang 5 taon at nahawa siya sa punto ng mga taga vigan.

Noong december 27, 1917 si mamang at papang nagkaisang dibdib sa simbahan ng ermita at pagkatapos pumunta sila't nag honeymoon sa bagiuo. meron silang mga litratong batang bata pa sila at si mamang ay may dalang sanga ng pine tree at makikita mo sa kanilang ligaya na nilalanghap nila ang malamig na hangin ng baguio. ako'y natutuwa na nakasal sila at dahil sa kanila ay ako'y sinilang at nakadanas ng kay tamis na buhay sa sariling bayan.

"Kay tamis mabuhay
Sa sariling bayan
Simoy ng amihan
Himig ng kundiman..."

Noong nakatapos si mamang ng kurso ng nursing sa PGH siya ay nagtrabaho bilang nurse hanggang sa kasal nila ni papang. Pero noong nagkasal na sila, ay humintong magtrabaho sa PGH at kanyang ibinuhos ang kanyang sipag at tiyaga sa aming tahanan at kapit bahayan: sa aming tahanan sapagkat siya palaging kasama namin na nagbibigay aliw sa mga araw ng aming pagtubo ng aming kabataan. Sapagkat alam ng aming mga kapit bahay na siya ay nurse at pag merong may sakit ay tinatawag siya at tinutulungan niya ang mga may sakit na kapitbahay.

Madalas sinasama niya kami sa pagdalaw niya sa mga may sakit. Isang araw sinama niya ako sa isang bahay na ang sahig ay kawayan at may banig na nakalatag at may isang babaeng napakaputla at umuubo na parang lumalabas na ang kanyang lalamunan tuwing umuubo siya. at sinabi sa akin ni mamang na magantay ka sa labas at bata ka pa at di pa malakas ang iyong katawan upang malabanan ang sakit. kaya nag antay ako sa tapat ng pintuan pero tinitignan ko ang ginagawa ni mamang. nakita ko na sinusubukan niyang magbiay ng ginhawa sa babaeng may sakit pero naririnig ko na silang dalawa ay nagdarasal.

Meron din isang centro ng katesismo sa aming bahay at tuwing lingo may mga madre na nagtuturo doon.

Si papang ay lumaki sa isang tahanan na ang salita ay kastila at dumating siya sa mga bayan ng zambales na ang salita ng mga tao ay ilocano. si mamang naman lumaki sa isang tahanan na ang salita ay ilocano pero marunong siya ng kastila sapagkat ang tatay niya ay maestro sa mga eskwelahan noong panahon ng mga kastila at tinuruan siya ng kanilang tatay, na magsalita ng kastila. Kaya’t nagulat ako, at natuwa, noong sinabi sa akin ni mamang na noong nagkasal sila ni papang pinasya nilang magsasalita ng tagalog sa aming tahanan. Diyan nagmula ang aming sariling wika. Tagalog na may pagka ilocano at pagka kastila. Napansin namin na pag may matinding nararamdaman si papang nagsasalita siya ng kastila. At kapag may matinding nararamdaman si mamang ay nagsasalita siya ng ilocano. Pero kung kami'y nakikiusap sa isa't isa meron kaming nililikha na tinatawag kong tagalog ng mga taga hilagang sampaloc. Ano ang katangian ng salitang ito? Na nararanasan mo habang binabasa mo. yan ang wikang sinusulat ko at binabasa mo, giliw na mambabasa.

3. Mga bata

Si gusting ay isang batang katulong namin pero may panahong siya ay kalaro ko. ang pamilya niya ay taga sarat, ilocos norte. lumipat sila sa castillejos, zambales at naging katulong sila ng pamilya ni lolo miguel. si gusting at si peles ay naging katulong namin sa bahay. sa aking pagtatancha si gusting  ay 10 taong gulang at si peles ay mga 15 taong gulang. at ako naman siguro 3 1/2  na taong gulang. ang hilagang sampaloc ng panahong iyon ay parang probinsiya. may mga bukid na pinagtatamnan ng palay at kapag panahon ng taginit ang mga bukid ay nagiging malawak na kaparangan na pinaglalaruan ng mga bata. si gusting ay tinutulungan ako magpalipad ng mga saranggolang papel at tinuturuan niya akong manghuli ng tutubi pero ang tawag niya sa mag tutubi ay kandiririt. hindi ko alam kung saan niya nakuha ang pangalang ito pero madalas niyang sabihin sa akin na manghuli tayo ng mga kandiririt. at doon ko naranasan na kapag nahawakan mo yung kandiririt sa buntot niya ay tinitiklop niya ang kanyang katawan at kinakagat niya ang laman ng inyong daliri. meron siyang ipinakita sa akin na isang tanim na kapag hinipo mo ay kanyang pinipikit ang kanyang mga dahon. sabi niya, "nahihiya siya." ang tawag ng mga malalaking tao sa halamang ito ay makahiya, pero hanggang ngayon kapag meron akong nadadagus ko itong tanim na ito sa kabukiran ang sinasabi ko ay "nahihiya siya." nasugatan si gusting at nagkasakit siya ng tetanus. Hindi namin nakilala nang maaga ang kanyang sakit at namatay siya. Isang mabuting tao siya.

Nag-aral ako ng grade 1 at grade 2 sa Holy ghost college sa kalye  E. Mendiola. ang karamihan sa mga teacher dito noon ay mga madre na galing sa Germany. Sila ay may istilo na strikto pero mabait. Marami akong natutunan sa kanila pero ang pinaka matinding ala-ala ko ay si Sister Marga sya ay isang madre palaging nakangiti pero palaging seryosa sa kanyang pagsasalita ukol kay hesus. Inihanda niya kami para sa aming primera komunyon.  Kapag pinagusapan si hesus kami ay nakikitagpo sa diyos naming buhay magaling syang magdrawing ng mga tauhan sa bibliya sa blackboard. Drinawing niya si Cain at abel, si moises. Inimbita niya si Fr. Beck na syang nagturo sa amin na magkumpisal. Noong una akong lumuhod sa confessionario narinig ko ang  boses niya: wag kang matakot roque anong ginawa mo? At noong ako nakatanggap ng kapatawaran ni hesus sa pamamagitan ng mga pagbigkas ni Fr. Beck ako ay lubos-lubusang natuwa..Noong grade 3 ako nagaral ako sa our lady of loreto academy. Ang mga may hawak non ay mga madre na Franciscan Missionaries of Mary. At titser ko noong grade 3 ay si Sr. Etienne. Kahit na ang pangalan niya ay Pranses siya ay German. Isa siya sa mga pinakamagaling na titser na nakilala ko. Sa isang buhay na paraan, kanyang dinala kami sa mga aklat ng Lumang Tipan. Nakisama kami kay Joseph na palaging nananaginip at paborito ng kanyang tatay. Nakisama kami kay Joseph nang ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid, at kung papaano siyang naging alipin sa Ehipto, kung papano siyang naging bilanggo dahil sa pagsisinungaling ng asawa ni Potipar, kung papaano siya naging ministrong pinagkakatiwalaan ni Paraon, at kung papaanong pumunta ang kanyang ama na si Jacob at kanyang mga kapatid sa Ehipto nung nagkaraoon ng tag-gutom sa kanilang bayan. At patuloy ang pag-iistorya niya sa amin.Pagkatapos nakisama kami kay Moises, mula sa isang batang maliit na nasa buslo sa ilog Nilo hanggang sa siya ay naging prinsipe, hanggang sa pinatay niya ang isang Ehipsiyo at kung papaano siya tumakas sa disyerto, nagtaka ako nang sabihin niya na si Moises ay nakakita ng isang tanim na nasusunog pero hindi nauubos. Dumaan kami sa mga sampung peste na naging parusa ni Paraon, at naranasan anmin ang mana sa disyerto, yung tubig na lumabas sa bato, at nakita namin na kapag sila'y nakagat ng ahas at sila ay tumingin sa ahas na bronse, sila ay gumagaling. At patuloy pa ang pag-iistorya ni Sister Etienne. Nakarating pa siya sa istorya ni Job. Halos lahat ng lumang tipan ang inistorya ng inyong titser na madre.OO, pero hindi ko kayang ilarawan sa inyo kung gaano nabuksan ang aming mga isip at damadamin sa isang buong daigdig ng pakikisalamuha ng Diyos sa tao, at ng tao sa Diyos. Nung ako ay nasa seminaryo, maraming taon na ang nakaraan mula sa aking pagiging estudyante ni Sr. Etienne.
Napansin ko na ang aking mga kaklase ay hindi nila kilala ang bibliya, pero ako kilala ko. Hindi dahil sa anumang talino ko, pero dahil sa naging titser ko si Sr. Etienne. 

Meron akong nakilalang isang kaklase. Araw araw pagkatapos ng tanghalian nagkikita kami sa lilim ng puno ng acacia. Pinagkukwentuhan namin ang lahat ng mga bagay na nangyayari sa daigdig. napapansin ng ibang mga tao na palagi kaming naguusap at tinatanong nila, "magkapatid ba kayo?" isasagot niya  magkakaibigan kami. May isang malawak na daigdig na binuksan niya  sa akin. Pero nung lumipat na ako sa ibang eskwelahan ay nawalan na kami ng pagkakataon na ipagpatuloy ang aming pagkakaibigan.

Isang dapit-hapon, nung ako ay magtatapos na ng fourth year ako'y nag-iisa sa aming bahay at naghahanda ako para sa aking pagpasok sa seminaryo, biglang tumunog ang telepono. "Ito ba si Roque?" "Oo, ito si Roque." "Ito si Maria, tumawag  lamang ako upang magcongratulations sa iyo." Nagulat ako nang marinig ko ang boses niya pagkatapos ng mahabang panahon. "Naalala mo pa ba ako?" "Oo, naalala kita."

Isang linggo pagkatapos ng aming usapan, labing-dalawang nobisyo kaming pumasok sa seminaryo. Ako lamang ang may dala-dalang pagbasbas ng aking "girlfriend".

Mula grade 4 hanggang grade 7 nag-aral ako sa San Beda College. Sa gilid ng campus ng san beda, may umaagos na sapa na umiikot sa isang kaparangan na madamo. Yung sapa ay umaagos sa silong ng isang tulay. Itong tulay na ito ay ang sikat na mendiola bridge. Ito ang tulay kung saan nagkaroon na at sa palagay ko ay magkakaroon pa ng mga masigabong demonstrasyon. Pero ang aking ikwekwento ngayon ay ang lupa sa gilid ng sapa. Dito ay may tumutubo ang isang kumpol ng matataas na kawayan. Kapag malakas ang hanging amihan ang mga kawayan ay yumuyuko at tumatayo, Pagkatapos ay muling yumuyuko at tumatayo. Paulit ulit. Parang may drama sa paulit ulit na galaw na ito. At may kakatuwang tunog. Papaano ko mailalahad ang tunog na ito, may kanta na sinasabi: ang mga kawaya'y naglalangitngitan, pero hindi langitngit ang huni na ito. Mas malapit sa tunay ang sabihin na ang hangin ay lumalagutok sa mga kawayanan. Kaya't noong inilgay ko ang mga kawayan sa isang tulang english hindi ko sinabi: The creaking bamboo. Ang sinabi ko ay:

Bamboos crackling in the wind
Would strike the ear                                                                      
Like fragments from a startled song

Marami akong nakita sa san beda na hindi ko nakita sa ibang eskwelahan na pinag aralan ko. May swimming pool, may imprenta, at maraming mga basketball court at football field, parang isang katakatakang daigdig ang aking napasukan. Marami akong naging kaibigan doon, at hindi ko kayang istoryahin silang lahat pero babanggitin ko si Luis yrure: matalino at mapagkumbaba, kapag may arithmetic contest, ang mga contestant ay nakahanay sa harapan ng pisara. Tapos ang teacher ay ididikta ang problema. Halimbawa addition ng pitong numero na ang bawat isa ay may pitong digit, ang mga contestant ay isusulat ang problema sa blackboard at lahat sila ay haharap sa amin, at pagkatapos sabihin ng teacher na Go, iikot sila at haharap sa pisara upang lulutasin ang problema, si Luis basta ilalagay ang answer sa ibaba na palaging tama. at naalala ko siya sapagkat may mga estudyanteng tinutuya ako, pero hindi ako tinutuya ni Luis, meron din isang malaking simbahan sa abadia ng san beda ang poon sa gitnang altar ay ang sto.nino de praga, sa isang altar sa tabi may imahe ng nuestra seniora de Montserrat sapagkat ang mga monghe na nagtatag sa abadia ng san beda ay nanggaling sa Montserrat  doon sa abadia sa Montserrat si san ignacio de loyola ay gumanap sa isang magadamag na pagluhod sa isang vigilia de armas noong siya ay nagbalik loob sa diyos at kaniyang binitin ang kaniyang mga armas sa harapan ng mahal na birhen at noong ako'y nasa highschool na, akoy lumipat sa ateneo at naalala ko na ang mga heswita ang nagtatag sa ateneo ay tinuturing nilang sila ay mga anak ni san ignacio de loyola na nagsimula sa kaniyang buhay sa paglingkod sa diyos sa abadia ng Montserrat.

Madalas ang mga estudyante ay pumupunta sa simbahan upang gumawa ng retreat at recollection pero madalas akoy hindi nakikinig sa mga sinasabi ng retreat director sapagkat pinapanood ko ang kisame ng simbahan. May mga scaffoldings. Doon kung saan may isang monghe na nagpipinta. Ang mongheng ito ay si Fr. Lesnes, pinipinta niya ang via crucis at ang mga iba pang mga mapagmumunimunihan ng taong naakit sa mga pintura ni hesus at ng mga santo, sa apat na taon ko sa san beda. sinusubaybayan ko si Fr. Lesnes at unti-unti niyang binubuo ang isang daigdig ng buhay ni kristo at sa kisame ng ibabaw ng altar ay nagsasalubungan sa isang halos sinisigaw na pagbibigay gloria sa diyos: in nomine iesu omne genu flectatur, akoy nasa san beda mula sa grade 4 hanggang sa grade 7, nagtapos ako ng grade 7 noong 1937 pero wala ako doon noong araw na nabuo ni fr.lesnes ang kaniyang obra, ang sunod na araw na bumalik ako sa simbahan ng abadia ng san beda ay noog 1959 ang dami ng nangyari sa aking mga araw mula sa mga araw na akoy isang bedista: lumipat ako sa ateneo nagkaroon ng isang giyera, nag aral ako sa ameika habang lahat yan ay nangyayari ang obra ni fr.lesnes ay tahimik na kumakapit sa kisame ng simbahan ng abadia ng san beda. lumakad ako sa gitnang pintuan ng simbahan at meron akong nasalubong na isang taong kilala ko pero hindi ko padin kilala alam mo ang ibig kong sabihin may mga taong kasabay nating nag aral sa eskwelahan pero hindi tayo nasakop sa alinmang  proyekto natin. Pero pagkatapos ng mahabang panahon magkikita kayo ulit at sa unang beses sa buhay ninyo nagbatian kayo. Kaniyang inilitaw ang kaniyang kamay at sinabi niyang kumusta ka? kinuha ko ang kaniyang lamano "mabuti, bumabalik lamang ako sa ating eskwelahan pagkatapos ng maraming taon nakilala namin at lumigaya kami sa aming pagka san bedista alam mo hindi ko pa nakikita hanggang ngayon ang buong obra ni fr.lesnes, makikita mo ngayon aniya habang sinesenyas niya saakin na pumasok ako sa pinto. Noong tumingala ako sumambulat sa aking mga mata ang kagandahan ng buhay espiritwal ng mga benedictino

Ang aming bahay sa sampaloc ay nakaharap sa hilaga, kalye ng Maria Clara. Sa silangan, ang kalsada ay Kundiman. Sa timog, Laong-Laang. Sa kanluran, P. Leoncio. Kung ikaw ay maglalakad patungo sa kanluran, makikita mo pagkatapos ng P. Leoncio, ang lote na walang bahay. Dito naglalaro ang mga tao ng baseball, kapag tahimik makikita mo ang kalsadang San Diego. Mayroon kang makikitang tatlong bahay; isang bahay na may tore, kung saan nakatira si Aling Leonor, sa tabi ng bahay na iyon sa maliit na bahay halos matatawag mong kubo at sa tabi ay isang malaking bahay ng mga Antonio. Ang mga dingding ng maliit na bahay ay yari sa tabla, at ang atip ay yari sa galvanized iron. Ang bahay ay may isang palapag lamang. Mula sa sahig ng bahay hanggang sa lupa ay isang metro't kalahati.

Para sa aming mga bata, parang ang layo-layo ng bahay na iyon sa aming bahay. Pero isang araw, may napakatinding kislap na nagmula sa bahay na iyon na tumama sa aming bintana. Tumingin kami at nakita namin na may mga bata sa maliit na bahay na pinatatama ang repleksiyon ng araw sa amin. Umaga noon at bahay nila ay nasa kanluran kaya masasalo nila sa pamamagitan ng isang piraso ng salamin ang sinag ng araw na nasa silangan. at kapag nasalo na nila, maari na nila itong ipatama sa aming bintana. Akala namin, ito ay isang magandang laro. Kaya’t sa hapon, nang ang araw ay nasa kanluran, kami na nasa silangan ang sumasalo sa sikat ng araw at pinatatama namin ang kislap ng araw sa kanilang bintana. Kung ilang araw na pinaglalaruan namin ang araw, hindi kami nag-uusap sa isa't isa, pero tuwang-tuwa kami na paglaruan ang araw. Isang araw, ang isa sa kanila ay kumaway sa amin kayat kaming magkakapatid ay tumakbo sa kanilang bahay. Kayat nagsimula na ang aming pagkakaibigan. Kung minsan, kami ang pumupunta sa kanila, at sila naman sa amin. Binabahagi namin ang mga bulaklak at mga gulay na nakatanim sa aming bakuran. Binabahagi naman nila sa amin ang mga bulaklak na nakatanim sa kanilang mga paso. Sila ay apat na magkakapatid. ang bunso, isang maliit na lalaki na maganda ang buhok; ang dalawang lalaki naman ay sina Igo at si Nanding; at ang kanilang panganay ay si Lourdes, siya ang nag-aalaga sa kanila. Sapagkat ang kanilang nanay ay namatay sa tubercolisis. Isang araw, napansin nila na ang kanilang nanay na nakahiga ay hindi gumagalaw. at nang sinubukan nilang gisingin siya, naramdaman nila na siya ay malamig na. Alam nila na ang kanilang nanay ay may malubhang sakit, pero hindi nila akalain na ganito siya mamatay.

Mayroon silang ilang paso na may tanim na tumutubo lamang isang pulgada, ang dahon nito ay makikitid at namumukadkad, pero sa gitna ang bulaklak ay kulay lila. Noon lamang kami nakakita ng ganoong uri ng bulaklak. Binigyan nila kami ng ilang ganoong klaseng tanim. At kami naman binahagi namin sa kanila ang mga gulay na nakatanim sa aming bakuran: up, ampalaya, kamote, patola.

- ang susunod na kuwento ay ang buhay BOY SCOUT sa SAN BEDA -

Sa tabi ng ilog pasig, sa paanan ng fuente sta.crus, may opisina ang libby's milk madalas na pumaparito ang mga bata na may dalang mga balutan na ang laman ay mga label ng gatas libby. sapagkat meron silang katalogo na sinasabi kung ilang mga label ng gatas libby na maaring ipalit sa mga gamit ng mga boys scout iiwanan namin ang mga label at bibigyan kami ng resibo na kinikilala na may pinanggalingan ng label ng gatas libby at ginagarantiya na darating saamin ang gamit ng boys scout na mangagaling sa amerika. at pagkatapos ng dalawang buwan palaging dumarating sa aming bahay sa sampaloc yung pangakong gamit ng boys scout nung nag iwan kami ng mga label sa opisina ng libby's milk.sa ganitong paraan nagkaroon ako ng boys scout handbook, boys scout blanket, boys scout haversack, boys scout canteen, at noong ako ay naka buo na noong labingdalawang taon maari na akong mag boys scout at naki anib ako sa troop24 na siyang pinaka magaling na boys scout troop sa san beda college.

Ang boys scout master namin ay si mr.navarro na isamg estudyante mg medisina noong panahon na yun,  si tony vergado naman ang kuya ng mga boys scout  kagagaling lamang niya sa jamboree budapest. noong december 20 1936 sumakay kami sa bus upang tumungo sa aming camping tinayo namin ang mga tent sa ibabaw ng mataas na pampang ng ilog mula dito matatanaw namin ang malawak na ilog angat, tumatawid sa ilog ang isang mahabang dam at ang tubig na umaagos ibabaw ng dam ay parang talon tuwing hapon bumababa kami mula sa matas na pampang at naglalaro kami sa isang isla na buhangin o kung minsan anliligo kami sa mga tubig na nahuhulog sa dam. ang mga tent na ginagamit namin ay yung tinatawag na pop tent, hindi ka maaring tumayo sa loob ng tent./kailangan mong gumapang upang makahiga sa mga waterproof na trapal na pinapatungn namin ng kumot na wool at gumawa kami ng kanal sa paligid ng tent para kung sakaling umulan hindi makakapasok sa aming tinutuluyan. Pag gising namin sa umaga tumatayo kami sa gilid ng pampang. at tinatanaw namin ang ibabaw ng ilog, kapag madaling araw ay parang salamin tahimik kaming lahat sapagkat nabibihag kami ng kagandahan ng kalikasan, noong umaga ng bente kwatro sumakay kami ng bus papuntang maynila, sa istasyon ng bus may isang sasakyan at sinalubong kami at dinala kami sa san beda mula roon naglakad kami ng isang kaklase ko na kapwa boys scout  at matalik na kaibigan si ben nano naglakad kami sa kalye legarda, bustillos, m.ernshaw, espanya, manggahan, dapitan, noong dumating kami sa kalye antipolo tumuloy siya sa kalye washington, ako naman tumuloy ako sa kalye antipolo at kumanan sa maria clara natuwa ako nung nakita ko ulit ang aming bahay sapagkat ito ang unang pagkakataon na ako ay natulog ng limang gabi na malayo sa aming bahay, kumatok ako sa pintuan ng aming bahay narinig ko ang tinig ni piti. Sabi niya, "si totoy yan." binuksan nila ang pintuan at tinanggap nila ako na parang nanggaling ako sa isang byahe na galing sa buwan. At para sa aming mga batang maynila noong panahong iyon ang probinsya ay parang buwan. Noong gabing iyon nagsimba kami may misa sa hating gabi itoy isa sa pinaka maligayang pasko sa aking buhay.

At ngayon naman ikkwento ko ang aking paglipat sa ateneo. Sabi ni papang na mabuting magaral ako sa ateneo sapagkat doon nagaral si lolo don pepe. At pinaalala naman ni mamang na mga heswita ang mga nagturo kay lolo miguel noong siya ay nagaaral sa eskwela normal para maestros. Kami ay may kapitua (pinsan makalawa, sa ilocano) na si Fr. Isias edrilin. Isang paring diosisano siya pero noon mga panahong iyon ay lumilipat siya sa mga heswita at siya ay nasa nobisyado sa novaliches. Nagpasyal kami ni mamang sa novaliches. Tinanong ni father kay mamang saan ba nagaaral si roque? Sabi ni mamang sa san beda. Sabi ni father mabuti paarlin ninyo siya sa ateneo.

Kaya’t noong hunyo nang 1937 pumasok ako sa mga pintuan ng ateneo na nakaharap sa kalye Padre Faura. Sabi ko sa loob loob ko marami na akong karanasan sa pagiging bagong estudyante sa eskwelahan. Sa mga nakaraan kong karanasan parati akong nahihiya sa mga bagong kaklase ko sapagkat para akong isang dayuhan sa isang bagong bayan. Pero ngayon sabi ko sa aking sarili hindi ako matatakot o mahihiya, kakausapin ko ang aking mga bagong kaklase sa isang tuwid na pagpapakilala sa kanila at isang pagnanais na makilala sila. Nagkataon naman na pagpasok ko sa malaking pintuan ng ateneo may isang kapwa bata na sinabi sa akin bago ka ba dito. Sabi ko oo. Bago din ako sabi niya. Tapos kinuha niya sa kanyang bulsa ang kanyang admittance card at pinakita niya sa akin. Ang pangalan niya ang claudio ramirez at tuwang tuwa ako sapagkat ang klase niya ay 1B. Sabi ko sa kanya ako ay 1B rin. Mula noon naging habambuhay na magkakaibigan kami. Pagkatapos ng mahabang panahon at akoy pari na at ang ateneo ay nasa loyola heights na, madalas kong makita si claudio sapagkat marami siyang anak na lalaki na lahat ay nagaaral sa ateneo sa loyola heights at nagmisa pa ako sa kanya noong siya ay namatay.

Pumunta kami sa silid paaralan ng 1B. Marami kaming mga apat na pu't apat na batang estudyante kami. Hinihintay namin ang aming titser. Noong kuwan ay nakita namin ang isang batang iskolastik na amerikano, si fr. koller. Siya ang unang karanasan ko na maturuan ng isang heswita. At kahit ako ang nagsasabi, sasabihin ko parin na, naturuan ako ng maraming mga heswita at ang mga titser kong mga heswita at lahat mabubuting titser at kung minsan mga magagaling na titser pa.

Si Fr. Koller. Maraming kaming natutunan sa kanya naalala ko na ang pagturo niya ng ingles ay sa pamamagitan ng "drill drill drill". Kung magkamali ka sa iyong ingles kailangan mong isulat ang tamang ingles ng isang daang beses.

Ang ikalawang titser ko ay si Fr. Banayad siya ay tubong pasay at ginawa ko siyang idulo kaagad. Napansin niya na sabik akong matuto ng wikang latin. Kaya't pinababasa niya ako ng maraming librong latin pati ang mga librong wala sa aming schedule.  Sinabi ko sa kanya na sabik akong matuto ng latin sapagkat gusto kong mag-heswita. Ang sagot niya ay binuksan niya ang isang librong latin kung saan sinasabi ni San. Ignacio na ang heswita ay dapat laging nakatuo ang mata kay Kristo.